Friday 15th December 2017,
Philippines Report

‘The Big One,’ puwede rin mangyari sa ibang parte ng Pilipinas —DOST

Nagbabala ang Department of Science and Technology (DOST) nitong Sabado na posible ring mangyari ang mala-“The Big One” na lindol sa labas ng Metro Manila, ngunit nilinaw nito na hindi senyales ng lindol ang pagsulpot ng kung anu-anong isda.

“[A]lthough ang ‘The Big One' ay patungkol sa Metro Manila… pati siyudad o mga probinsya, merong mismong mga aktibong fault sa kanilang lugar na magdudulot ng kanilang ‘The Big One,'” inihayag ni DOST Undersecretary at PHIVOLCS chief Renato Solidum sa isang interview sa dzBB nitong Sabado.

“Wag isipin na Metro Manila lang at mga karatig na probinsya lang ang maghahanda, pati na rin ‘yung ibang lugar sa Pilipinas.”

Ipinaliwanag ni Solidum na ang The Big One ay isang malakas na lindol na manggagaling sa West Valley Fault na may posibleng magnitude na 7.2 at Intensity 8 na pag-uga ng lupa. Maaapektuhan daw nito ang Kamaynilaan, Bulacan, at ilang bahagi ng Rizal, Cavite at Laguna.

Mahihirapan aniyang tumayo ang mga tao sa Intensity 8 na pag-uga, at posibleng mapinsala ang mga bahay at gusali.

Oarfish o lapu-lapu

Tungkol naman sa mga oarfish at higanteng lapu-lapu na namataan kamakailan sa mga baybayin, sinabi ni Solidum na hindi kaagad ito senyales ng paparating na lindol.

“Kahit po walang mga nakitang lapu-lapu o oarfish o mga sawang lumabas ay posibleng magkaroon ng lindol. Mahirap silang maging senyales ng paparating na lindol dahil hindi naman sila nakatira sa iisang fault lang. At ang mga sawa ay hindi naman maramihang lumalabas.”

“Kung may identified na fault at unusual animal behavior, maraming makikitang same type ng animal na du'n lang concentrated malapit sa fault. Hindi puwedeng malayo ito,” anang opisyal.

Nitong Biyernes, nakaranas ng magnitude-6.3 na lindol ang Luzon, kung saan namataan ang epicenter sa Lian, Batangas.

Alerto

Pinuri naman ni Solidum ang mga opisina at paaralan sa Metro Manila na naging alerto at nagsagawa ng mga evacuation plan.

“Tama naman ‘yung ginawa ng iba na lumabas, lalo na ‘yung mga nasa matataas na level ng gusali. Pero hindi malakas sa ground level. So kung sakaling nag evacuate man, kailangang bumalik agad, hindi kailangang magsuspinde ng trabaho o klase.”

“Maganda na nag-duck, cover and hold ang ibang eskwelahan at nag-evacuate, pero hindi nag-cancel ng klase kasi hindi necessary at walang damage ang mga bahay,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Solidum na hindi sapat ang lakas ng lindol nitong Biyernes para magkaroon ng tsunami.

“Ang minimum magnitude na puwedeng mag-trigger sa tsunaming maliit ay [magnitude] 6.5, at ang babaw niya dapat ay less than 30 kilometers. Ang nangyari po kahapon ay magnitude 6.3, mas mababa sa 6.5, at napakalalim, 177 kilometers… So hindi po talaga posibleng magkaroon ng tsunami kahapon,” sabi ng opisyal.

Bukod pa rito, wala silang naitalang aftershock sa ilalim ng Batangas, kung kaya't hindi dapat ipangamba ng mga pupunta sa beach ang posibilidad ng tsunami.

Ngunit iminungkahi ni Solidum na magkaroon pa rin ng evacuation plan ang mga magbabakasyon.

Nag-abiso rin si Solidum na laging maging handa ang mga tao.

“Marami pong namamatay sa mga tao sa iba't ibang klase ng kalamidad dahil hindi sila handa, o akala nila, handa sila, pero hindi sapat ang kanilang paghahanda kasi ‘yung scale ng posibleng mangyari ay hindi ‘yun ang kanilang pinaghandaan,” aniya.

“Ang advocacy ng DOST ay magkaroon ng science-based disaster imagination ang bawat isa sa atin at mga disaster leaders upang makita na natin ang mga posibleng mangyari,” dagdag pa niya.

News Source: GMA NEWS

Like this Article? Share it!

About The Author

Leave A Response

Pin It on Pinterest

Shares
Share This

Share This

Share this post with your friends!

GET REGULAR UPDATES,

Simply Enter Your Name & Best Email.

x