Mandatory SIM card registration ikinasa – UMAPELA ni Sen. Loren Legarda sa madaliang pagpasa ng panukalang batas para sa mandatory SIM card registration ng lahat ng prepaid subscriber identity module (SIM) cards upang maiwasan ang mga unregistered number na nanloloko.
Aniya, ang pagrerehistro ng prepaid SIM cards ay makakatulong upang mabawasan ang pagkakaroon ng terror threats, prank calls, at text scams na karaniwang problema ng subscribers.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1160, ang direct sellers ng SIM cards ay dapat manghingi ng valid identification na may litrato upang matukoy ang pagkakakilanlan ng bumibili. Habang ang mga end users naman ay kinakailangang lumagda ng control-numbered registration form na ginamit ng public telecommunications entity (PTE) ng biniling SIM card.
Kokolektahin ng PTEs ang mga registration forms mula sa direct sellers saka isusumite sa National Telecommunications Commission (NTC). Kinakailangang magsumite ng PTEs ng updated na listahan ng SIM card registration ng kanilang subscribers sa NTC kada anim na buwan.
Kung menor de edad ang bibili ng SIM card, kailangang magpasa ng magulang o guardian ng written consent, registration form, at valid identification cards na may kasamang litrato ng parehong bata at guardian. Maaari ring magtanong ang direct sellers tungkol sa pagsusumite ng karagdagang identification kung kinakailangan.
Kung mawala o magkaroon ng pagbabago sa impormasyon ng SIM card, dapat abisuhan ng subscriber ang PTEs sa loob ng 30 araw. Ipapasa ng PTE sa NTC ang pagkawala o pagbabago sa impormasyon sa loob ng 15 araw pagkatanggap ng abiso mula sa subscriber. Lahat ng impormasyon sa SIM card registration ay konpidensyal. LINDA BOHOL
Leave a Reply