Philippines Report

Erap hinanda na ang sariling puntod, ayon kay Jinggoy Estrada

Erap hinanda na ang sariling puntod

Handa na ang paglilibingan kay Erap.

Ipinasilip ni Jinggoy Estrada ang magiging puntod ng kanyang 83 anyos na ama sa Episode 3 ng kanyang vlog na pinamagatang “Erap Museum Tour in Tanay, Rizal” sa YouTube channel niyang Jingflix Ph.

Ang puntod ay nasa labas ng Joseph Ejercito Estrada Museum and Archives, na dating bahay-bakasyunan.

Apat na taong naka-house arrest doon si dating Pangulong Joseph Estrada matapos itong bumaba sa puwesto at umalis sa Palasyo ng Malacañang.

“Pati ako nagulat kung bakit siya nagpatayo nito…” salaysay ng dating senador sa vlog na in-upload nitong Oktubre 17, Sabado.

“Noong nakita ko ito, tinanong ko, ‘Bakit ka nagpatayo nito? Buhay na buhay ka pa, dad?’

“Ok, halika… slippery… eto, eto ang ipinagawa niya, ipinagawa ng tatay ko,” lahad ni Jinggoy sa tabi ng puntod.

“Kung saka-sakaling may mangyari raw sa kanya, gusto niya, dito daw siya,” napapangiting pagmuwestra ni Jinggoy.

“Alam mo, bakit dito niya pinili? Kasi, noong nakulong siya, dito…”

Lumapit si Jinggoy sa nakausling malaking bato na kalapit ng puntod, katabi ng puno, “Ito iyong kanyang paboritong lugar. Itong batong ito, ok. Parang silya. Dito siya laging umuupo at dito siya nagme-meditate.

“Dito siya nagdadasal, dito siya laging nakaupo. Ganito ang porma niya.”

At umupo si Jinggoy sa bato na memorable para kay Erap. Ewan kung may kabaong at lapida na si Erap. Pero kalapit ng bato at puntod, may epitaph na sa pader—ang paboritong sinasabi ni Erap sa pagtatapos ng talumpati: “Walang tutulong sa Pilipino kung hindi kapwa Pilipino.”

NOEL FERRER

Pagiging praktikal na ngayon ang magplano ng iyong burol at libing. Isang katotohanan iyan ng buhay na kailangan nating tanggapin.

Pero totoo bang kapag may ganito, lalo pang nadadagdagan ang mga taon ng iyong buhay?

Magpaganoonpaman, wala iyan sa haba o ikli ng panahon na inilagi natin sa mundo kundi sa kalidad ng buhay, pati na rin iyong mga napaligaya at natulungan natin.

a person sitting on a bench: Erap Estrada

Naku, kasama ba ito sa epekto ng prolonged Undas celebration dahil bawal magpunta sa sementeryo sa mismong linggo ng Undas? 

GORGY RULA

Naalala ko pa noong minsang dinalaw nina Manay Lolit Solis ang dating Pangulong Erap habang naka-detain ito sa Tanay, sinasabi na ni Erap na gusto niyang doon siya ililibing.

Matagal na siguro niyang naplano iyan, gaya ni Mang Dolphy na matagal na ring inihanda ang kabaong bago ito pumanaw.

Mas praktikal nga, Sir Noel.

Kaya nga tatlo na ang nag-alok sa akin ng memorial plan. Pero ngayong 2020 na, ilan na rin sa mga kaibigan natin ang pumanaw, parang ayoko na munang isipin iyan. Sobrang nakakapraning na.

Patuloy pa rin tayo sa pagdarasal na malagpasan natin itong COVID-19 pandemic.

Source

Related Articles:

Like this Article? Share it!

About The Author

Leave A Response

GET REGULAR UPDATES,

Simply Enter Your Name & Best Email.

x