Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ay maglalaan ng P300 milyon pang pondo upang ipagpatuloy sa susunod na taon ang pagpapailaw sa mga kalye ng lungsod, na pinapangarap niyang maging “City of Lights” ng bansa, tulad ng Paris.
Ayon kay Mayor Joseph “Erap” Estrada, nais niyang lagyan ng mga bagong street lights ang lahat ng kalsada sa 896 barangay ng lungsod bilang bahagi na rin ng kanyang anti-crime measure at urban renewal program.
“Ninanais kong maging ‘Paris of Asia’ o ‘City of Lights’ ang ating lungsod, bukod pa sa hangarin nating mapangalagaan ang seguridad ng mga Manilenyo lalo na sa gabi,” ani Estrada.
Kapag maayos, malinis, at maliwanag ang mga kalsada, makakatulong aniya ito sa pagpapasigla ng komersyo at turismo sa lungsod.
Mula 2015 ay nalagyan na ng pamahalaang lungsod ng mga street lights ang kabuuang 91.1 kilometro ng kalye sa Maynila na nagkakahalaga ng mahigit P100 milyon, ayon kay Engr. Lorenzo Alconera, hepe ng City Electrical Division.
Ilan sa mga nailawan na ay ang Dapitan, Moriones, Del Pilar, Mabini, Pedro Gil, Onyx, and Oroquieta, Roxas Boulevard, Taft Avenue, Vito Cruz, United Nations Avenue, Quirino Avenue, at marami pang iba.
Sa 2017, aabot pa sa 800 street lights na nagkakahalaga ng P300 milyon ang ikakabit sa marami pang kalye ng lungsod, ayon kay Alconera.
Nitong 2015, naglaan si Estrada ng P61 milyon sa kanyang street lighting project; P128 milyon naman ngayong 2016. Mahigit 2,000 LED lamp posts na ang nailagay sa buong lungsod.
Source: Remate
Leave a Reply