Philippines Report

Erap sa mga barangay, makiisa sa city health office kontra Zika  

Inatasan ngayon ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang 896 barangay sa lungsod na tulungan ang Manila Health Department (MHD) sa pagsasagawa ng paglilinis at information campaign sa mga komunidad upang mapigilan ang pagdami ng Zika fever.

Ginawa ito ni Estrada kasunod ng pag-alerto ng Department of Health (DOH) sa bansa sa pagdami ng kaso ng Zika sa Singapore, kung saan 41 tao na ang tinamaan ng nakamamatay na virus.

“Dodoblehin natin ang ating mga ginagawa para protektahan ang kalusugan ng bawat Manilenyo. Sinabihan ko na ang mga opisyal ng barangay na makipagtulungan sa ating health department sa pagsasagawa ng mga preventive measures at information drive,” ani Estrada.

Aniya, gagawin ng pamahalaang lungsod ang lahat upang mapigilan ang pagkalat ng mga mosquito-borne diseases tulad ng Zika, Dengue, at Chikungunya.

Wala pa namang naitatalang kaso ng Zika sa lungsod, ayon kay City Health Officer Dr. Benjamin Yson.

Ayon kay Yson, mapalad pa din aniya ang Pilipinas dahil hindi endemic dito ang Zika virus  kumpara sa mga ibang bansa sa Pacific tulad ng Fiji, Kosrae, Federated States of Micronesia, Marshall Islands, New Caledonia, Papua New Guinea, Samoa, at Tonga.

“Ang pokus natin ay alisin ang mga potential breeding grounds ng Aedes Aegypti mosquitoes, ang lamok na nagdadala ng Zika virus. Kaya nga’t lagi nating pinapaalalahanan ang bawat kabahayan na panatilihing malinis ang kanilang paligid,” ani Yson.

Mula Lunes hanggang Biyernes, nagsasagawa sila aniya ng fumigation sa mga komunidad at nakikipagtulungan sa mga opisyal ng barangay sa pagsasagawa ng mga information campaign tungkol sa Zika.

Nitong Pebrero lang ay binigyan ni Estrada ng karagdagang P10 milyon ang bawat isa sa anim na public hospitals ng lungsod upang palakasin ang kanilang kahandaan sa Zika at Dengue.

Bukod pa ito sa P600 milyon pondong nilaan niya sa modernisasyon ng mga naturang ospital.

 

Remate

Related Articles:

Like this Article? Share it!

About The Author

Leave A Response

GET REGULAR UPDATES,

Simply Enter Your Name & Best Email.

x