Aabot sa P10 bilyon ang maaaring mapiga sa kita ng kompanya ni Dra. Vicki Belo at iba pang beauty doctors oras na maipatupad na ang 10 percent excise tax sa cosmetic surgery.
Ito ang pagtaya ni Senador Sonny Angara, chairman ng senate committee on ways and means, at ng Department of Finance (DOF) hinggil sa isiniksik na probisyon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na inaprubahan ng Senado.
Naipasok ang buwis sa cosmetic surgery matapos mapansin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang daan-daang milyong pisong kinikita sa negosyo ni Belo subalit hindi naman ito napapatawan ng buwis.
Sa laki ng kinikita sa negosyo, nagawa pa nitong magpakasal sa Paris, France kamakailan na ginastusan ng higit sa P80 milyon at dinaluhan ng mga prominenteng personalidad sa lipunan.
Aminado naman si Angara na marami pang posibleng mangyari dahil kailangan pang dumaan ito sa bicameral conference committee bago tuluyang ratipikahan ng Kongreso at isabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ayoko namang sabihing mahihirapan but definitely, may kaunting give and take diyan.
Laging ganu’n naman ang nature ng bicam,” paliwanag ni Angara.
Maging naman anya sa kanilang hanay ay nagmistulang urong-sulong ang probisyon ng pagpapataw ng excise tax sa cosmetic surgery.
“Parang yoyo siya. Kasi nu’ng una, tinanggal namin, tapos ibinalik ni Senador (Franklin) Drilon, tapos tinanggal ni Senador (Ralph) Recto, tapos ibinalik na naman ni Senador Drilon. So naging ganu’n, naging kompromiso na lang ‘yung 10 percent,” kuwento ni Angara
Ipinaliwanag ng senador na sa kanilang pag-aaral ay pinakinggan din nila ang puntos ng Department of Finance.
Isa anya sa nakikitang problema ay ang pagtukoy sa surgery bilang vanity o medical purposes.
“Kunyari, nagkaroon ng aksidente, kailangan ayusin ‘yung mukha, o breast cancer survivor, doon sa datos nila, hindi alam ilan ‘yung for medical, ilan ‘yung for vanity purposes. Kasi for medical purposes, huwag na nating buwisan,” paliwanag ni Angara.
Dahil dito, sinabi ng senador na hindi dapat mangamba ang mga pasyenteng sasailalim sa retoke dahil sa birth defects, trauma, nasunog na bahagi ng katawan, sakit at para ayusin ang ‘dysfunctional areas’ ng katawan dahil sa exempted ito sa excise tax. (Abantetonite)
Evacuate if so ordered, DFA advises Filipinos affected by CA wildfires
Leave a Reply